Home HOME BANNER STORY Operasyon, maintenance sa NAIA bukas na sa private bidders

Operasyon, maintenance sa NAIA bukas na sa private bidders

MANILA, Philippines – Binuksan na ang bidding para sa operasyon at maintenance ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sinabi ng Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA) nitong Miyerkules, Agosto 23.

Sa abiso, sinabi ng DOTR at MIAA, dalawang implementing agencies para sa privatization ng operasyon ng NAIA, na nag-imbita na sila ng mga interesadong kompanya para maging kwalipikado at mag-bid para sa kontrata ng rehabilitasyon, operasyon, pagpapalakas at pagpapanatili sa NAIA sa pamamagitan ng Rehabilitate-Operate-Expand-Transfer arrangement.

Ang competitive bidding process para sa potensyal na partido na makakakuha ng contract to operate sa NAIA ay ayon sa Republic Act No. 6957, na inamyendahan ng Republic Act No. 7718, o kilala bilang Build-Operate-and-Transfer Law (BOT Law) at Revised 2022 Implementing Rules and Regulations (IRR), ayon sa Public-Private Partnership (PPP) Center.

Noong nakaraang buwan, matatandaang inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board, na pinangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang joint proposal ng DOTR at MIAA na isapribado ang operasyon ng paliparan sa pamamagitan ng solicited mode.

Sinabi rin ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ang mananalong bidder sa privatization plan sa NAIA ay ipakikilala na pagsapit ng Disyembre.

“The bidding is open to all interested foreign and local parties, subject to the conditions for qualification under the law,” sinabi ng PPP Center sa hiwalay na abiso.

Samantala, ang Instructions to Bidders (ITB) ay “publicly available” na sa mga website ng DOTr, MIAA, at PPP Center (PPPC).

Sasakupin ng P170.6 bilyon na NAIA PPP Project ang lahat ng pasilidad sa NAIA, kabilang ang runway, apat na terminal at associated facilities nito.

Inaasahang pagbubutihin ng proyekto ang karanasan ng mga pasahero at mapataas ang kasalukuyang annual passenger capacity sa NAIA sa 62 milyon mula sa 32 milyon. RNT/JGC

Previous article89 dagdag-kaso ng COVID naitala
Next articleMAHIGIT 700 JO AT CONTRACTUAL WORKERS NG CATANDUANES,  MIYEMBRO NA NG SSS