Home NATIONWIDE Operasyon ng bangko ng POGO, iligal – Gatchalian

Operasyon ng bangko ng POGO, iligal – Gatchalian

178
0

MANILA, Philippines – Hindi awtorisado ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magnegosyo sa bansa ang bangko ng Global ComRCI, ang third party auditor ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na kinontrata ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).

Inihayag ito ni Senador Sherwin Gatchalian matapos magpalabas ng opisyal na pahayag ang BSP na hindi puwedeng mag-isyu ng bank guarantee ang bangko ng bilang third party auditor ng POGO.

Sa nakaraang pagdinig ng Senado, sinikap ng Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Gatchalian na suriin kung talagang lehitimo ang operasyon ng POGO sa bansa kaya siniyasat ang kredibilidad ng Global ComRCI sa pag-audit ng kinikita nito.

Pero iba ang napag-alaman ng komite pagkatapos matanggap ng senador ang liham mula kay BSP Governor Felipe Medalla na naglalaman ng mga kasagutan sa maraming tanong ni Gatchalian hinggil sa sinasabing bangko ng Global ComRCI.

Sa naturang liham, sinabi ni Medalla na ang Soleil Chartered Bank ay hindi kabilang sa mga financial institution na nakarehistro o nasa ilalim ng pangangasiwa ng BSP.

Ni wala nga raw itong natatanggap o napoprosesong anumang banking license application mula sa Soleil batay sa rekord ng BSP mula 2014, ayon kay Medalla sa liham.

Ang Global ComRCI, na inatasan ng PAGCOR na magsagawa ng pag-audit sa kabuuang gaming revenues ng mga POGO, ay nagsumite ng isang bank certificate na inisyu umano ng Soleil bilang pagtugon sa requirement ng PAGCOR para sa isang 10-taong P6 bilyong kontrata. Sa ilalim ng Terms of Reference (TOR) ng PAGCOR, kailangang matugunan ang P1 bilyon na capital requirement bago maging kwalipikado ang isang third-party auditor.

Sa huling pagdinig ng Senado, nagpakita ang PAGCOR ng bank guarantee na sinasabing inisyu ng Soliel sa Global ComRCI sa halagang $25 milyon.

Ipinaliwanag din ni Medalla sa liham na ang isang dayuhang bangko ay kailangang magsumite ng aplikasyon sa BSP para makapag-operate sa Pilipinas bilang pagsunod sa Republic Act No. 7721 o An Act Liberalizing The Entry and Scope Of Foreign Banks In The Philippines.

Sa Pilipinas, tanging ang mga pinahihintulutan ng BSP na magpatakbo bilang bangko ang maaari lamang na mag-isyu ng letter of credit. Dagdag pa rito, ang isang dayuhang bangko na pinahihintulutan ng regulator ay maaaring mag-isyu ng letter of credit kung ang kontrata ay pinirmahan sa labas ng Pilipinas, ayon kay Medalla.

“Base sa sulat ng BSP, lumalabas na palsipikado ang bank certification mula sa Soleil na isinumite ng Global ComRCI sa PAGCOR dahil hindi awtorisado ang Soleil na mag-isyu ng anumang bank guarantee. Lumalabas na kaduda-duda ang operasyon ng Global ComRCI. Malinaw na paglabag ito sa terms of reference ng PAGCOR at dahil dito ay pwedeng i-terminate ang kanilang kontrata. Dapat tutukan natin ito nang maigi,” giit ni Gatchalian. Ernie Reyes

Previous article4 sundalo patay sa amok ng kabaro
Next article‘No homework policy’ pinasasabatas ni Bong