MANILA, Philippines – Pansamantala munang ililipat ang operasyon ng Manila Central Post Office sa ilang pasilidad kasunod ng sunog na naganap sa gusali nito, umaga ng Lunes, Mayo 22.
Sa panayam, sinabi ni Philippine Postal Corporation (PHLPost) Post Master General at CEO Luis Carlos na ililipat muna sa mail distribution center sa Delpan ang operasyon ng post office at gagawin munang business mail service para sa mga pribadong kompanya ang central mail exchange sa Ninoy Aquino International Airport.
Maliban dito, plano naman ng PHLPost na magtalaga ng mail acceptance areas sa iba’t ibang lugar sa Maynila para sa pagtanggap ng mga sulat at parcel.
Bagama’t malaking bahagi ng gusali ng Manila Central Post Office ang natupok ng apoy, nilinaw ni Carlos na ang mail service lamang ng Maynila ang naapektuhan ng sunog at hindi ang mail service system ng bansa.
Advertisement