MANILA, Philippines – Bahagyang nasunog ang ika-anim na palapag ng Palacio del Gobernador Building tanghali ng Lunes, Hulyo 31.
Sa inilabas na pahayag ng Commission on Elections (Comelec), pasado alas-12 ng tanghali nang mangyari ang sunog sa nasabing palapag na okupado ng Bureau of Treasury.
Ayon kay Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, agad namang kumilos ang Safety Teams ng ahensya, departments at opisina sa PDG kaya agad ding naapula at naideklara ang sunog makalipas lamang ng ilang minuto.
Agad ding rumesponde ang Bureau of Fire Protection – Intramuros Station at BFP Manila at ilang mga fire volunteers at kinumpirmang fire out na ang sunog.
Gayunman, nananatili ang BFP investigators sa lugar upang magsagawa ng imbestigasyon sa gusali lalo na sa Bureau of Treasury at para masiguro ang kondisyon ng lugar at nag-ookupa sa PDG.
Sa inisyal na ulat, nagsimula umano ang sunog sa Cooperative Office ng Bureau of Treasury.
Upang maisagawa ang imbestigasyon at assessment sa nasunog na opisina, lahat ng trabaho sa Comelec Department at opisina ng PDG ay sinuspinde muna ni Comelec Chairman George Garcia.
Wala namang naapektuhan sa sunog pagdating sa paghahanda sa BSKE gayundin ang Comelec general administration activities at regular operations.
Sa kabila nito, tuloy naman ang serbisyo sa issuance ng Voters Registration Records at Certifications ng National Central File Division ng Election Records at Statistics Department sa Cabildo St.
Ang issuance ng Overseas Voters Certificates ng Office for overseas voting na matatagpuan sa ikapitong palapag ng PDG bldg., ay suspendido at ipagpapatuloy nalang bukas.
Okupado lamang ng Comelec ang 8th floor at 7th floor gayundin ang ilang bahagi ng 5th floor at Ground Floor ng Palacio del Gobernador Bldg. Jocelyn Tabangcura-Domenden