Home METRO Opisyal ng Cebu City fire station timbog sa pangingikil

Opisyal ng Cebu City fire station timbog sa pangingikil

CEBU CITY- Arestado ang isang opisyal ng Cebu City Fire Station (CCFS) sa umano’y pangingikil sa isang aplikante.

Dinakip ng National Bureau of Investigation-Central Visayas (NBI-7) si Fire Insp. Roy Mat Castro sa isang entrapment operation sa loob ng isang restaurant sa lugar na ito nitong Huwebes.

Kinumpirma ni Chief Supt. Roberto Genave, regional director ng Bureau of Fire Protection-Central Visayas (BFP-7), na bago ang pag-aresto, si Castro ay pinuno ng Fire Safety Enforcement Section ng CCFS.

Nag-ugat ang entrapment operation sa reklamo ng isang babaeng nag-apply upang maging Fire Safety Officer 1 sa BFP-7.

Nagtungo ang babae, sinamahan ng isang opisyal ng Coast Guard-Central Visayas, sa NBI-7 office nitong Miyerkules.

Inihayag ng complainant na ito ang ikatlong pagkakataong nag-apply ito sa posisyon sa BFP-7. 

Aniya, humingi umano si Castro ng P400,000 mula sa kanya upang mapasama sa listahan ng mga aplikante na manunumpa bilang fire safety officers.

Matapos siyang makapasa sa application process at mapasama sa pinal na listahan para sa oathtaking, iginiit ng aplikante na pinilit umano siya ni Castro na magbayad ng P400,000 bilang “pasalamat” sa mga nakatataas.

Batay sa video mula sa NBI-7, nahuli si Castro sa camera na nag-aabot ng clutch bag sa isang babae na naglagay ng pera sa loob na nagkakahalaga ng P200,000.

Ibinalik ng babae ang bag kay Castro bago sumulpot ang NBI-7 at dakpin ang suspek.

Inilarawan ni Genave ang aksyon ni Castro bilang “grave violation of ethical standards and the integrity of public service.”

“The BFP-7 condemns any form of corruption and unethical behavior among its ranks,” pahayag ni Genave.

Agad ding ipinag-utos ni Genave ang pagsibak kay Castro mula sa kanyang pwesto sa CCFS.

“We emphasize our commitment in combating corruption and promoting transparency in all our operations. Significantly, the arrest of Fire Insp. Roy Mat Castro is a clear manifestation of its (BFP) campaign against corruption as part of the internal cleansing of the BFP,” dagdag ni Genave.

Aniya, magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang BFP-7 at tiniyak na makikipag-ugnayan sa NBI-7 at iba pang ahensya “to ensure thorough investigation and swift resolution to this case.” RNT/SA