NOONG nasa Manila Police District pa nakatalaga ang isang opisyal, na walang ginawa kundi magpasikat sa pamamagitan nang pagsipsip sa kanyang amo, ay kanyang pinaikot sa kanyang palad ang mismong district director ng nasabing ahensiya.
Bukod sa kanyang pagpapatakbo sa kanyang “tanggapan” at pinatatakbo rin niya ang ibang tanggapan. Sa madaling salita, siya ang nagmamando at ipinamahala na lang sa kanya ng kanyang boss dahil sa iniaakyat nitong salapi.
Kasi nga, ang opisyal na ito ang nagsilbing “bagman” bukod sa talagang literal na nagiging tagabitbit ito ng bag ng kanyang amo dahil nga sa sobrang kasipsipan. Kaya naman maging ang mga kaklase niya na sa tingin niya ay mas mahusay sa kanya ay ayaw niyang makarating sa tanggapan o makausap man lang nang noo’y district director.
Kasi nga ay insecure siya dahil alam niyang hindi naman siya talagang magaling mag-isip pero mahusay siya sa “syete” o tsismis. Pero hindi “syete” ang ginawa niya. Talagang winakwak niya ang alam niyang magiging hadlang sa kanyang pagsikat este pagpapasikat sa kanyang amo. Hayun, ginawaan niya ng kuwento ang karamihang alam niyang batid ang kanyang katarantaduhan.
Hindi nga naman nakapuwesto ang ilan sa kanyang mga kritiko at nakakakilala ng kanyang totoong pagkatao. At nalipat naman mula sa headquarters patungo sa istasyon ang ilang hindi pumapabor sa kanyang desisyon o kaya naman ay kumokontra sa kanyang gawain.
Nang umalis sa MPD ang director, tinangay ang opisyal na ito na ‘di lang mahilig sa syete subalit magaling pa mangwakwak. Pero kahit nasa malayong lugar na ito, nagagawa pa rin niyang paikutin ang ilang nasa MPD sa pamamagitan nang pananakot na babalik siya dahil hindi magtatagal ay mauupo sa National Capital Region Police Office ang kanyang boss.
Hindi pa siya masaya sa pananakot niya, ginagamit pa niya ang ilan niyang kaklase sa kanyang pagmamaniobra ng ilang tanggapan sa MPD headquarters.
Dahil nakabalik sa puwesto o district ang isa sa kanyang mga ipinatapon sa istasyon, gumawa ito ng “plot” upang matanggal na naman ang pulis na kanyang “binabusabos” upang hind imaging hadlang muli sa kanyang pagbabalik sa MPD.
Hindi na syete ang kanyang ginawa dahil batid niyang hindi na uubra kaya pinagawaan niya ng istorya gamit ang isang opisyal na kanyang kaklase. Itong kaklase, malapit nang magretiro, ay nagpagamit naman. Nakaiinis lang dahil tipong pangmarangal na tao ang apelyido nitong opisyal na nakatalaga sa MPD headquarters ay nagpapagamit sa kanyang kaklase sukdulang gumawa ng kuwento na sa una ay tatayo at paniniwalaan talaga ng opisyal na may hawak ng kaso.
Ang isang pangit pa sa imbestigasyon na isinasawa ng MPD, ang nag-imbestiga o humawak ng kasong gawa sa kuwento ng “uto-utong” opisyal ay kaklase rin nila. Ano ngayon ang resulta? Siyempre, pang-ilalim na pang-ilalim ang kanilang ginawaan ng kwento.
Pero sa mga nakakakilala sa kinasuhan base sa salaysay ng opisyal na uto-uto, walang maniniwala dahil kilala nilang matinong tao ang kanilang winawakwak.
Siyanga pala, ipinaaalam lang ng PAKUROT kay National Capital Region Police Office director PBGen Jose Melencio Nartatez Jr. na nag-aalaga siya ng isang “ulupong” sa kanyang nasasakupan. Ang ulupong ay nakatalaga sa Regional Intelligence Unit na namamalita sa Maynila na papalitan ka na ng kanyang “boss” bago pa man dumating ang Pasko.
Mas mahusay raw kasi ang ipinakikitang trabaho ng kanyang amo kaysa sa mahinahon, disiplinado at istriktong hepe ng pulisya sa NCR.
Ha? Hamburger! Eh, ang daming ipinatutupad na magagandang programa ng tanggapan ni Nartatez, paanong mas mahusay ang opisyal n’ya? Noong nasa Maynila sila ng kanyang amo, talamak ang sugal sa iba’t ibang bahagi ng Maynila. Hindi nawala ang jueteng lalo na sa mga lugar na maraming mahihirap na nalululong sa sugal.
Ang masaklap pa, hindi marunong mag-alaga ng tao ang boss niya. Magpapatrabaho pero kapag kamag-anak niya ang nahuli, kawawa ang tao dahil hindi niya sinasalo. Paanong naging mahusay ang “amo-yong” mo?
Ngayong panahon ni Nartatez, tablado ang sugal sa NCR. May ilang lugar na mismong local government unit ang namamahala sa sugal.
Kaya RD NCRPO, alamin mo na ang ulupong sa iyong bakuran at ipatapon sa malayong lugar dahil ang ito at mga kasamahan niya ang sumisira sa magandang ginawa at ginagawa ng iyong tanggapan at mga tauhan.