Home NATIONWIDE OTC sa unconsolidated jeepneys: Mula Peb. 1 ‘wag bumiyahe kung ayaw mahuli

OTC sa unconsolidated jeepneys: Mula Peb. 1 ‘wag bumiyahe kung ayaw mahuli

MANILA, Philippines- Umapela ang Office of Transportation Cooperatives nitong Linggo sa public utility vehicle (PUV) operators at drivers na hindi nakibahagi sa konsolidasyon bago ang itinakdang deadline na huwag nang bumiyahe sa kanilang ruta simula Pebrero 1 upang maiwasang mahuli ng mga awtoridad.

Tinutukoy ni OTC Chairman Andy Ortega ang mga jeepney na ituturing na “colorum” o ilegal matapos hini makaabot ng mga operator ng mga ito sa December 31, 2023 consolidation deadline bilang bahagi ng PUV Modernization Program.

“‘Yung sa mga alam nilang hindi naman sila pwedeng bumyahe, ika nga, wala na silang prangkisa, kusa sila dapat hindi na bumiyahe para wala nang pinaguusapang hulihan,” aniya sa isang panayam.

“‘Yun ang pinaka-importante dito, na ikaw mismo, alam mo na, hindi ka dapat bumiyahe, wag ka nang bumiyahe para hindi magkagulo o magkaron ng konting mga friction,” patuloy niya.

Inihayag ni Ortega nitong Sabado na hindi tuluyang mawawalan ng hanapbuhay ang drivers at operators ng unconsolidated PUV units dahil maaari pa rin silang lumahok o tanggapin ng ibang kooperatiba o consolidated PUV entities.

Batay sa datos mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), 21,655 lamang sa 42,177 units, o 51%, ang nakapasok sa consolidation deadline, kung saan 20,522 units ang naitalang unconsolidated.

Nangangahulugan ito na kalahati ng jeepney sa Metro Manila ay maituturing na “colorum” simula February 1.

Sa kabila nito, sinabi ni Ortega na magiging sensitibo ang law enforcers sa pakikipag-usap sa operators at drivers na maaapektuhan ng PUV Modernization Program.

Nanindigan din ang OTC chairman na alam ng operators ang implikasyon ng hindi pakikilahok sa konsolidasyon.

“Clear talaga na ‘yun talagang hindi umabot ng December 31, which was two weeks ago, alam na nila na hindi na talaga sila makakasama sa programa… Desisyon naman po nila ‘yun. Talagang hindi sila nag-consolidate nung December 31,” wika niya. RNT/SA

Previous article#WalangPasok sa 5 lugar sa Calabarzon sa pagdiriwang ng iba’t ibang okasyon
Next articleGiyera muling kinondena ni Pope Francis