MANILA, Philippines- Tinatayang aabot sa P1.1 milyong halaga ng pekeng sigarilyo ang nasamsam sa dalawang lalaki na nagbebenta nito sa Sta. Ana,Manila, ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD).
Ayon sa Special Mayor’s Reaction Team (SMART) ng MPD, nagtungo ang kinatawan ng isang kompanya sa kanilang tanggapan upang ireklamo ang talamak na bentahan ng umano’y pekeng sigarilyo.
Ayon kay P/Maj. Dave Garcia, Deputy Chief ng MPD-SMART, ikinasa ang entrapment operations nitong Huwebes ng hapon kung saan naaresto ang dalawang suspek.
Itinuro naman ng dalawa ang pinagkukunan nila ng suplay ng mga pekeng produkto.
“Pagdating namin sa storehouse, may CCTV kasi ‘yung bahay. Naunahan kami ng kita, nakatakbo sa bubong ‘yung dalawa pang suspek then naiwan na ‘yung napakaraming ebidensya na paninda nilang pekeng sigarilyo,” ayon kay Garcia.
Nakumpiska sa operasyon ang nasa higit 100 ream ng sigarilyo .
Mahaharap sa kasong paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines (Selling and Transporting of Suspected Fake or Counterfeit Cigarettes) at Consumer Act of the Philippines ang dalawang naarestong suspek habang patuloy na pinaghahanap ang dalawa pa nilang kasamahan. Jocelyn Tabangcura-Domenden