MANILA, Philippines – NASA P1.2 milyong halaga ng shabu ang narekober ng Quezon City Police District (QCPD) na inabandona ng hindi pa nakikilalang lalaki na nagcheck-in sa loob ng isang motel sa lungsod nitong Martes, Hulyo 11.
Ayon kay Drug Enforcement Unit (DDEU) chief, P/Maj Hector Ortencio, nakatanggap ng tawag ang QC Hotline 122 tungkol sa inabandonang umano’y ilegal na droga sa loob ng motel na matatagpuan sa kahabaan ng Timog Avenue, Brgy., South Triangle, Q.C.
Isang room attendant ng motel ang nakapansin na mayroon naka-ipit sa pagitan ng kutson at kama sanhi upang ipagbigay-alam niya ito sa kanyang supervisor na siya naman tumawag sa QCPD Hotline.
Dahil dito, bandang alas-7:15 ng gabi ay nagtungo sa lugar ang mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni PMaj. Wennie Ann A Cale at natuklasan ang 180 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,224.000.
Sinusuri pa ng mga otoridad ang CCTV footage sa loob ng motel para sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek.
“Tunay ngang pulis QC ay maaasahan at mabilis ang aksyon. Isang tawag lamang ninyo kami’y agad na tumugon.” pahayag ni QCPD Director, PBGen Nocolas D. Torre III. Jan Sinocruz