Home METRO P1.5M droga narekober sa 5 tulak

P1.5M droga narekober sa 5 tulak

TUGUEGARAO CITY, CAGAYAN – Magkakasunod na sinalakay at hinalughog ang tirahan ng limang suspek na pinaniwalaang mga adik o nasa listahan ng otoridad matapos marekober sa kanilang pag-iingat ang halos mahigit kumulang P1.5 milyon sa Muslim Compound sa Centro 10 dito sa nasabing lungsod.

Kinilala ang limang suspek na sina Abbas Diamla Regaro, Juhayber Pauntog Limpao, Norhaya P. Sabdula, Ryan Diamla Regaro at Mohamar Yohan Regaro.

Sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni RTC Branch 5 Judge Jezarene Aquino ay matagumpay na naisakatuparan ang magkasunod na operasyon.

Magkakahalong shabu, marijuana at mga drug paraphernalia ang nakuha ng operating troops na pinangunahan ng Philippines Drugs Enforcement o PDEA Region 02 katuwang ang Tuguegarao City Police Station sa pamunuan ni PLtCol. Richard Gatan at mga sundalo mula sa 77th Infantry Batallion, 5ID PA.

Pinakamalaki ang nakuha kina Abbas at Juhayber na umaabot ng P1,007,500 na halaga ng shabu.

Maliban sa illegal na droga, nakuha rin ang isang bala ng caliber 9mm sa bahay ng suspek na si Norhaya.

Sinorpresa ng raiding team ang mga suspek kung saan hinati-hati sa limang team ang mga nagsagawa ng operasyon.

Nakakulong na ang limang suspek sa piitan ng Tuguegarao City Police Station sa Carig Sur habang inihahanda ang isasampang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Drugs Act of 2002. Rey Velasco

Previous articleCesar, pinuri si Diego, hindi na gumigimik!
Next articlePCSO naghain ng reklamo vs illegal e-lotto operators