MANILA, Philippines – HINDI na nakapalag ang dalawang hinihinalang tulak ng shabu na nagkakahalaga ng P1.5 milyon nang arestuhin ng mga awtoridad kabilang ang isang high value individual sa isinagawang buy-bust operation ng Cabuyao City PNP kaninang madaling araw, Mayo 22 sa Barangay Banlic sa lungsod ng Cabuyao, Laguna.
Ang dalawang suspek na kapwa pansamantalang nakapiit sa Cabuyao City Police Station ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive dangerous drug act of 2002 na sina Alyas Bacolod at Acmad pawang nasa hustong gulang at residente ng Quezon City.
Base sa isinumiteng report ni PLt.Col Jack E. Angog, hepe ng Cabuyao City PNP kay PCol. Randy Glenn G. Silvio, dakong alas- 12:55 ng madaling araw kanina matapos umanong nagpanggap na poseur buyer ang isang pulis kapalit ng buy-bust money kung saan hindi na nagawang makapalag ng dalawang suspek nang aktong arestuhin ang mga ito ng mga awtoridad.
Narekober sa dalawang suspek ang 3 pirasong transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang Shabu na may timbang na 300 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P1.5 milyon, bukod dito ay kinumpiska rin sa mga suspek ang isang unit ng cellphone, Toyota Vios na may plakang NCR-6896, gayundin ang buy-bust money.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa tanggapan ng Crime Laboratory para sa isasagawang pagsusuri.
“Bilang pagtalima sa panawagan ng ating Regional Director PRO CALABARZON, PBGEN CARLITO M GACES at Chief PNP, PGEN BENJAMIN C ACORDA JR, ang Laguna PNP ay puspusan sa pagsasagawa ng mga operasyon kontra ilegal na droga. Ang pagkakahuli ng mga High Value Individuals (HVI) na ito ay dahil sa patuloy na pakikipagtulungan ng mga mamamayang sa aming mga kapulisan para mapanatili ang kaayusan, kapayapaan at kaunlaran ng buong Lalawigan ng Laguna.” ani PCol Silvio. Ellen Apostol