Home NATIONWIDE P1.75B winasak ng El Niño sa sektor ng agrikultura

P1.75B winasak ng El Niño sa sektor ng agrikultura

MANILA, Philippines – Umabot na sa P1.75 bilyon ang pinsala ng El Niño phenomenon sa sektor ng agrikultura, sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Lunes, Marso 18.

Sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na noong Marso 14, walong rehiyon ang partikular na dumanas ng dry spell: Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at Soccsksargen.

Sa mga rehiyong ito, ang Mimaropa ang nakakuha ng pinakamaraming pinsala na nagkakahalaga ng P770 milyon, sinundan ng Western Visayas na P564 milyon, at Cagayan Valley na P180 milyon.

Napinsala ng El Niño ang 32,231 ektarya at naapektuhan ang kabuhayan ng 29,437 magsasaka.

Ang DA, sa ngayon, ay nakapagtala ng production loss na 48,332 metriko tonelada ng bigas, 18,966 metriko tonelada ng mais, at 7,794 metriko tonelada ng mga high-value crops.

Sinabi ni De Mesa na nasa kabuuang P379 milyong halaga ng tulong ang naibigay sa mga magsasaka.

Sa tanong ng mga mamamahayag kung inaasahan ng DA na tataas pa rin ang P1.75 bilyong pinsala sa agrikultura, sinabi niya na posible ito ngunit maaaring hindi na ito exponential.

“Possible ‘yun dahil March pa lang naman, pero ano na ngayon eh, waning na. Baka na-reach na rin siguro natin ‘yung peak ng damage. Baka pababa na rin… I mean, hindi na masyadong exponential ‘yung increase,” ani de Mesa. Santi Celario

Previous article“Terror” teacher sa viral video pinatawag na ng DepEd
Next articlePastor na nanutok ng baril sa road rage sa Rizal, kulong!