MANILA, Philippines – Tinatayang nasa P1.94 bilyon na ang pinsala ng bagyong Egay at Falcon at pinahusay na Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Department of Agriculture.
“Sa ngayon… nasa P1.94 billion na ang estimated damage,” ani Assistant Secretary Arnel de Mesa sa isang briefing nitong Martes
Sa kabuuang halagang ito, ang sektor ng bigas ay nagkaroon ng P950 milyon halaga ng pinsala habang ang mais ay nasa P713 milyon, ayon kay de Mesa.
Tiniyak naman ni De Mesa na lahat ng interbensyon ay nakahanda para matulungan ang mga naapektuhan sa sektor ng agrikultura.
Umakyat na sa 25 ang naiulat na bilang ng mga nasawi dahil sa epekto ng Bagyong Egay at Southwest Monsoon (Habagat), ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes.
Sinabi ng NDRRMC na dalawa sa kabuuang naiulat na mga nasawi ang kumpirmado, habang 23 iba pa ay nasa validation pa.
May kabuuang 2,397,336 katao o 654,837 pamilya ang naapektuhan ng Egay at Habagat sa 4,111 barangay sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Bangsamoro, Cordillera, at National Capital Region. RNT