Home METRO P10.7-M puslit na sigarilyo nasabat sa Sulu, Lanao Sur

P10.7-M puslit na sigarilyo nasabat sa Sulu, Lanao Sur

CAMP SK PENDATUN, Maguindanao Norte – Iniulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) nitong Lunes ang pagkakasamsam ng P110,000 halaga ng mga smuggled na sigarilyo, halos dalawang araw matapos makumpiska ng mga awtoridad ang P10.6 milyon ng parehong mga bagay na iligal na ipinuslit sa Indanan, Sulu.

Sinabi ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, PRO-BAR director, na narekober ng mga alertong pulis at mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) ang isang inabandunang sasakyang de-motor na nakadaong sa baybayin ng Picong sa Lanao del Sur alas-9 ng umaga noong Lunes, na puno ng P110,000 halaga ng kontrabando.

“Nakatanggap ng tip ang Picong police mula sa isang concerned citizen tungkol sa abandonadong sasakyang pandagat na puno ng mga kahon ng smuggled na sigarilyo sa Barangay Liangan,” ani Tanggawohn.

Noong Sabado, inaresto ng pulisya at BOC ang isang hinihinalang smuggler at nakuhanan ng P10.6 milyong halaga ng kontrabando sa Indanan.

Ang mga nasamsam ay itinurn-over sa BOC. RNT