Home NATIONWIDE P100K pabuya alok sa magbibigay ng impormasyon sa pag-aresto sa ex-Palawan gov

P100K pabuya alok sa magbibigay ng impormasyon sa pag-aresto sa ex-Palawan gov

MANILA, Philippines – Nag-alok ng P100,000 pabuya ang pamahalaan para sa ikaaaresto ni dating Palawan Governor Joel Reyes, na tinukoy na mastermind sa pagpatay sa brodkaster na si Gerardo “Gerry” Valerio Ortega.

Si Ortega ay itinumba sa Puerto Princesa City noong 2011 matapos ang kanyang morning radio broadcast. Nakatanggap ito ng death threats sa pamamagitan ng text bago ito mamatay.

Kilalang kritiko si Ortega sa umano’y corrupt local officials sa Palawan at tumutol din sa mga mining project sa probinsya.

Ayon kay Undersecretary Paul Gutierrez, Presidential Task Force on Media Security executive director, ang reward money ay mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission.

Si Reyes ay lumipad palabas ng bansa noong 2012 kasama ang kapatid nitong si Coron Mayor Mario Reyes.

Naaresto ang mga ito sa Thailand noong 2015 ngunit nakapagpiyansa noong 2018.

Muling tumakbo ang mga ito sa opisina noong 2022 election ngunit natalo si Reyes bilang gobernador.

Ngayong taon ay muling ipinag-utos ng Korte Suprema ang pag-aresto kay Reyes, na nahaharap din sa mga hiwalay na reklamo sa Sandiganbayan na may kinalaman sa Malampaya at fertilizer fund scams. RNT/JGC