MANILA, Philippines – Nakasungkit ng aabot sa P100 milyon halaga ng sales lead ang bansa sa idinaos na ASEAN Tourism Forum (ATF) sa Yogyakarta, Indonesia ngayong buwan.
Ito ang ibinalita ng Tourism Promotions Board (TPB) nitong Lunes, Pebrero 13 kung saan ang delegasyon ay inirepresenta ng 16 na local exhibitors mula sa airline industry, tour operators, at accommodations na nakisalamuha sa 115 international buyers.
Ibinida rin ng delegasyon ang mga lokal na destinasyon tulad ng Boracay, Cebu, at Palawan, maging ang mga sample ng Kaulayaw Coffee.
Ayon sa TPB, marami pang mga lokal na negosyo at destinasyon ang kinilala sa ASEAN Tourism Standards Awards, kabilang ang Inandako’s Bed and Breakfast, Gina’s Homes, Sid Homestay, Hide Away House, at Maryhilz Homestay bilang ASEAN Homestay Awardees.
Nakatanggap din ng ASEAN community-based tourism citation ang
Palaui Environmental Protectors Association (PEPA) habang ang Clinic at the Hilton Clark at Quan Spa sa Clark Marriott Hilton ang nanalo sa ASEAN Spa Services.
“We aim to give you the best of the Filipino to remind you that while the Philippines continues to be a top-of-mind destination all over the world, there is also so much more to our beaches, our dive sites, our mountain ranges, and our underground rivers,” ani Tourism Secretary Christina Garcia Frasco.
Matatandaan na sinabi ng Department of Tourism (DOT) kamakailan na target nito ang 4.8 milyon na turista na darating sa bansa ngayong taon, doble sa naitala noong 2022. RNT/JGC