LAPU-LAPU CITY, Cebu— Sa kulungan ang bagsak ng isang South African national nang lumapag ito sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) matapos mahulihan ng mga awtoridad ng illegal na droga kahapon, Pebrero 1 sa Lapu-Lapu City.
Kinilala ang nadakip na suspek na si Pietro Aliquo, 58, at sinasabing nagbabakasyon lamang sa Cebu.
Nakuha sa suspek ang higit sa 17 kilo ng hinihinalang shabu na aabot sa P120 milyon.
Sa pinagsamang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency in Central Visayas (PDEA-7), Bureau of Customs (BOC), National Bureau of Investigation in Central Visayas (NBI-7), Philippine National Police (PNP), and the Mactan-Cebu International Airport Authority (MCIAA), naharang nila ang dalawang maleta na dumaan sa x-ray at napansin ang kahina-hinalang laman nito mula South African na dumating sa nasabing paliparan sa pamamagitan ng international flight galing Doha, Qatar.
Agad naman sinuri ng mga tauhan ng PDEA ang bawat pakete at lumabas na positibong naglalaman ng methamphetamine o mas kilalang “shabu.”
Inihanda na ang kasong isasampa laban sa suspek. Mary Anne Sapico