MANILA, Philippines- Hiniling sa Korte Suprema na ideklarang labag sa batas ang nasa P125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President noong nakalipas na taon.
Ayon kay Atty. Arpee Santiago, Executive Director ng Ateneo Human Rights Center, ang naturang hakbang ay panghihimasok sa tungkulin ng Kongreso na may eksklusibong karapatan sa paglalaan ng pondo.
Sinabi ni Santiago na walang isinabatas na confidential expenses para sa OVP kaya ilegal ang naturang hakbang.
Sinabi naman ni Atty. Barry Gutierrez, dating tagapagsalita ni dating Vice President Leni Robredo, kasama sa hiling nila sa Supreme Court na maisauli ang pera kapag napatunayang labag sa batas ang ginawang paglilipat ng pondo.
Nakasaad sa petisyon na dahil walang pahintulot ang pondo, dapat lang itong ibalik ng OVP sa budget ng pamahalaan.
Kabilang sa mga petitioner ay sina dating Comelec Chair Atty. Christian Monsod na isa sa mga bumalangkas ng 1987 Constitution, dating Comelec Commissioner Gus Lagman, at UP Law Professor Barry Gutierrez. Teresa Tavares