MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng cash assistance na nagkakahalaga ng P127.7 milyon sa mga mangingisdang apektado ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon sa DSWD, nasa 14,291 indibidwal mula sa impormal at pormal na sektor ng pangingisda mula sa mga munisipalidad ng Baco, Bansud, Bongabong, Bulalacao, Gloria, Mansalay, Naujan, Pinamalayan, Roxas, San Teodoro, Socorro, Victoria, at Calapan City ang nakatakdang makatanggap ng tulong pinansyal sa ilalim ng programang Emergency Cash Transfer (ECT).
Nagsimula ang cash payout sa bayan ng Roxas, na nakinabang ng 233 mangingisda.
Noong Lunes, inirekomenda ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na panatilihin ang pagbabawal sa pangingisda sa mga bayan ng Pola, Pinamalayan, at Naujan dahil nananatili ang mga bakas ng oil slicks sa mga coastal municipalities. RNT