Home NATIONWIDE P14B ng Comelec sa Cha-cha, kinwestiyon ng solon: Kailangan pa ba?

P14B ng Comelec sa Cha-cha, kinwestiyon ng solon: Kailangan pa ba?

MANILA, Philippines – Kinwestiyon ng isang senador ang inilaan na P14 bilyon ng Kongreso sa Commission on Elections (Comelec) sa pagsusulong ng pagrerebyu at pag-amyenda sa 1987 Constitution.

Ipinalutang ni Senador Imee Marcos ang naturang ideya dahil pangungunahan na ng Senado ang pagrerebyu sa 1987 Constitution na hindi na kailangan pa ng naturang pondo at puwedeng gamitin sa ibang proyekto at programa ng pamahalaan o ng poll body.

“Yung P14-billion na yan siguro naman maaring gamitin yan para sa gasolina, bigas, para sa mga ospital at iba pa. Eh, hindi na pala matutuloy, kailangan pa ba ng P14 billion para sa tatlong provision?” ayon kay Marcos, Chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation.

Pero, sinabi ni Marcos na mahirap nang mabawi ang naturang pondo kung nailipat na ito sa Comelec.

“Depende kung natransfer na sa Comelec. Aba’y mahirap nang galawin pero pwede na siguro ilaan yan para sa iba pang bagay. Although hindi pwede yun palipat-lipat. Hindi ko alam kung ano yun status ng pondo kasi nga wala kaming alam tungkol sa pondong yan,” giit niya.

Ipinunto din ng senadora na hindi naitanong o naging malinaw sa ginanap na serye ng pagdinig sa badyet kung gagamitin ang naturang pondo sa charter change tulad nang isinusulong sa Mababang Kapulungan na “peoples initiatives,” na tinaguriang “bribed initiatives.”

“Wala naman hiningi na Cha-cha at any point. Biglaan sa bicam nagulat na lang kami pati ang ating committee nagulat na lang kung bakit sumulpot yung karadagan na P12 billion dyan, eh P2 billion lang hinihingi ng Pangulo noon,” ayon kay Marcos.

Orihinal na P2 bilyon lamang ang nakatakda sa National Expenditure Program apra sa preparasyon ng May 2025 polls, kaya ikinagulat ng mambabatas na lumobo ito sa P14 billion.

Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na kanilang hiniling sa pagdinig ng badyet na panatilhin ang P17.4 billion na kinaltasan sa original budget proposal.

“Cong. Paduano moved to restore and the Committee hearing our budget approved the motion. We thank the bicam for restoring the said amount although unfortunately hindi P17.4 billion,” aniya sa text message sa mga reporter.

Kinumpirma ni Garcia na gagamitin ang itinaas na badyet para sa ilalim ng “Conduct and supervision of elections, referenda, recall votes, and plebiscites”

Naunang naghain ng Resolution of Both Houses No. 6 si Senate President Juan Miguel Zubiri upang pangunahan ng Senado, alinsunod sa kautusan ng Palasyo, ang diskusyon sa pagrerebyu ng economic provisions ng 1987 Constitution. Ernie Reyes

Previous articleBea, aminadong selosa kay Dom!
Next articleRobi, nagluksa sa araw ng kasal!