MANILA, Philippines – Ipinanukala ni Senador JV Ejercito na itaas o dagdagan ang P175 milyong confidential funds ng National Bureau of Investigation’s (NBI) sa 2024 upang magampanan nito ang hamon sa mga bagong krimen.
Sa deliberasyon ng Senate finance committee sa badyet ng Department of Justice and its attached agencies na umabot sa P34.486-billion, sinabi ni Ejercito na masyadong maliit ang kakarampot na badyet ng NBI sa pagsugpo ng cybercrimes sa bansa.
“Dito po sa budget ang Office of Cybercrime ang intel nila is only P475,000. So, medyo mababa ito considering that other departments right now…especially those civilian in nature are asking for, lahat sila po nanghihingi na ng intel funds,” ayon kay Ejercito.
“I guess, these are the agencies we really have to put confidential funds kasi nga as I mentioned, this is the new crime that we are facing right now, the new enemy that we are facing now,” dagdag niya.
Sa ilalim ng National Expenditures Program para sa fiscal year 2024, nakakuha ang NBI ng P175 million confidential funds, pero ayon kay NBI chief Medardo de Lemos na makatutulong kung dagdagan ito.
“We need to augment as well, because kailangan natin dito… ma-penetrate ‘yung mga hacker at iba pa,” ani Lemos.
Inihayag naman ni Ejercito na nabigyan ang DOJ, ang mother agency ng NBI, ng halagang P250 milyon para sa confidential funds na ginagamit na pambayad sa tipster at iba pang tao sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP).
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kailangan ng suporta ng NBI Cybercrime Office partikular sa bilang ng tauhan dahil aabot lamang sa 20 katao ang gumalawa sa pagproseso ng cybercrime cases.
“Kung talagang susundan po natin, kung meron po tayong cybercrime prosecutors na specialized, we will be needing at least 200 people for this kasi ang krimen po ngayon 90 percent po meron nang cybercrime content,” ayon kay Remulla.
“In fact, ‘yung mga holdap po ng bangko wala na ho tayong naririnig pumapasok sa bangko na may hawak ng baril. Ang nangyayari po sa mga computer po natin tsaka sa telepono ninanakaw ang pera,” dagdag niya.
Aniya, hindi duplikasyon ng pondong ibibigay sa cybercrime office ng NBI ang badyet ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
“Kami po kasi prosecution t’saka yung investigation dito, kriminal talaga eh. Sa DICT po is technical. Sa amin po ‘yung criminal investigation,” paliwanag niya.
Umapela din ang kalihim ng dagdag ng pondo bilang pambili ng kagamitan na makatutulong upang tugunan ang cybercrimes.
“Para ho may gamit tayo na makakasabay sa gamit ng mga criminal, dapat po kasing bilis ‘yung computer natin pero sa ngayon, hindi po ganon. Although we can coordinate with DICT, it’s good to have a budget po for that purpose,” ayon sa DOJ chief. Ernie Reyes