MANILA, Philippines – Iminungkahi ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagsasabatas ng P1,000 hazard pay kada buwan sa lahat ng barangay tanod bilang insentibo sa ginagampanan nilang tungkulin na pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa kani-kanilang komunidad.
“Malaki ang ambag ng mga barangay tanod sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan. Sila ang nagpupuyat sa gabi at frontliner, gaya ng nasaksihan natin noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Kakarampot na halaga ito kapalit ng kanilang serbisyo, sakripisyo at pagkakawanggawa,” sabi ni Estrada.
Sa inihain na Senate Bill No. 794, inirekomenda ni Estrada na bigyan ng buwanang P1,000 bilang hazard pay ang hinirang na miyembro ng barangay tanod brigades.
Kukunin ang unang pondo sa badyet ng Department of Interior and Local Government (DILG), saka isasama sa mga susunod na implementasyon sa budget ng local government units (LGUs).
Bagamat tumatanggap ng mga benepisyo ang barangay tanod tulad ng iba pang opisyal ng barangay, batid ni Estrada na binibigyan lamang sila ng hindi bababa sa P600 kada buwan na honoraria o allowance ang barangay tanod.
“Ang barangay tanod brigades ay mga manggagawa sa komunidad na nangangailangan din ng proteksyon. Ang panukalang ito ay kinikilala ang kanilang mahalagang kontribusyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang lokalidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng insentibo habang patuloy silang tumutupad sa kanilang mga opisyal na gawain,” ani Estrada, chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development.
“Bilang mga frontliner, dapat silang makatanggap ng sapat na suporta at pagkilala mula sa gobyerno. Karapat-dapat silang bigyan ng ganitong insentibo,” dagdag pa niya. Ernie Reyes