MANILA, Philippines- Iniatras na ng Department of Finance ang request nito para sa P1 million confidential fund para sa 2024.
Ito ang inihayag ni Finance Undersecretary Catherine Fong sa Senate plenary deliberaions sa panukalang “spending plan” ng departamento para sa susunod na taon.
“The Secretary of Finance has already agreed to give up the [confidential and intelligence fund] in the House of Representatives,” ayon kay Fong.
Hiniling kasi ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa DOF na bigyang-katuwiran ang naging kahilingan nito para sa CIF para sa taong 2024.
“Bakit pa? Bakit gusto niyo pang maging controversial? Anong surveillance ang ginagawa niyo?” tanong ni Pimentel.
Ayon kay Fong, ang inisyal na panukala para sa P1 million CIF ay para sa “facilitating swift and vital information gathering in terms of addressing economic vulnerabilities and safeguarding national financial security.”
Napansin ni Pimentel na ang hinihinging CIFs ng departamento ay nakakonekta lahat sa national security.
“Lahat kino-connect na natin sa… national security. Sana, I just make an appeal to the secretary, just give that up para wala na tayong issue. Nadadamay lang po ang inyong department,” ayon kay Pimentel.
Kaya nga ang hiling ni Pimentel sa ibang ahensiya at departamento ng pamahalaan ay tularan ang DOF at huwag nang ituloy ang kanilang “request” para sa CIF.
Sa ulat, maraming government civilian agencies ang humihirit ng confidential funds sa ilalim ng panukalang 2024 budget.
Sa katunayan, 28 na ahensiya ng pamahalaan ang humirit ng confidential funds sa kanilang 2024 budget, mas mataas sa 21 tanggapan na humiling ng appropriation noong 2016.
Nauna rito, sinabi ng Department of Budget and Management na ang kabuuang halaga ng confidential at intelligence funds sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa panukalang 2024 budget ay P10.14 billion, kabilang ang P4.5 billion para sa Office of the President (P2.25 billion confidential at P2.31 billion intelligence fund) at P500 million para sa Office of the Vice President. Kris Jose