MANILA, Philippines – Nag-alok ang isang mambabatas ng P1 milyong pabuya sa sinumang makapagtuturo sa suspek na nanggahasa at pumatay sa isang 28-anyos na babaeng architect sa Calinan, Davao City.
Sa anunsyo ni Davao City First District Rep. Paolo Duterte nitong Linggo, Mayo 21, sinabi niya na ang alok na pabuya ay bilang pakikiisa sa kapwa-Davaoenos na sumisigaw ng hustisya sa brutal na pagpaslang kay Architect Vlanche Bragas.
“Si Ms. Vlanche Marie Bragas, ay isang ordinaryong Dabawenyo na araw-araw ay nagsisikap at nagtatrabaho para sa kanyang kinabukasan at kanyang pamilya. Labis akong nalungkot sa pangyayari,” pahayag ni Duterte.
Matatandaan na iniulat na nawawala si Bragas bandang alas-12 ng hatinggabi noong Mayo 17 at huling nakita sakay ng isang dilaw na tricycle sa Crossing Fausta, Barangay Dacudado, Calinan district.
Matapos ang ilang oras na paghahanap ay natagpuan ang wala nang buhay na katawan ng biktima sa isang open canal ng banana plantation.
Sa autopsy ng Regional Forensic Unit XI, napag-alaman na ginahasa, sinakal at pinatay ang biktima.
Advertisement