Home NATIONWIDE P2.7B puslit na agri products nakumpiska ng BOC ngayong 2023

P2.7B puslit na agri products nakumpiska ng BOC ngayong 2023

292
0

MANILA, Philippines – Ibinahagi ng Bureau of Customs (BOC) nitong Huwebes, Mayo 18 kasabay ng pagdinig ng Senate committee on agriculture, food, and agrarian reform na nakakumpiska na sila ng mahigit sa P2.7 bilyon halaga ng agricultural products, karamihan ay asukal at sibuyas.

Kasabay ng interpelasyon ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros, sinabi ni Customs Intelligence Group Chief Richard Rebong na nakakumpiska na ang ahensya ng agricultural products na aabot sa P2,769,917,188.17 ang halaga sa pagsisimula ng taon hanggang nitong Mayo 16.

Bagama’t walang datos kung gaano karami ang nakumpiska sa bawat uri ng produkto, sinabi ni Rebong na mayroong 34 na pagkakataong nakasabat sila ng asukal, 34 sa sibuyas, tatlo sa carrots, at ang natitira ay mga seafoods at iba’t ibang uri ng prutas.

Iniimbestigahan ngayon ng Senate panel ang talamak na smuggling ng agricultural products at dumidinig sa mga rekomendasyon na amyendahan ang Republic Act 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act dahil tila walang naparurusahan mula nang maisabatas ito noong 2016.

“Ang impression ng tao kasabwat kayo kaya walang [nakukulong]. Kaya dapat turuan niyo kami para maka-perform kayo. Otherwise, ang sama-sama ng impression sa inyo. Ako, automatic sa akin na kayo ang may kasalanan kaya hindi nag-succeed ang law. So you have to tell us what’s wrong with the law so we can change it,” sinabi ni Senator Cynthia Villar, chairperson ng panel.

“Ang spirit of the law is makulong bago mag-kaso kasi pag nakulong ang isang mayaman, grabe sa kanya yon. Enough punishment yon. Hindi na siya uulit. Kaya kailangan makulong siya bago mag-kaso kasi pag kaso mailalakad niya yon e. Mayaman siya e…Kaya nga e economic sabotage non-bailable. Tingin ko titigil ng pag-ismuggle pag nakulong kahit na temporary lang, kahit ma-dismiss ang kaso niya afterwards,” giit ni Villar. RNT/JGC

Previous article2,014 dagdag-kaso ng COVID naitala
Next articleP8.2B treatment plant sa Antipolo matatapos na sa Hunyo – Manila Water

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here