Home METRO P201M pekeng footwear, nasamsam ng CIDG

P201M pekeng footwear, nasamsam ng CIDG

MANILA, Philippines- Nasabat ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang halos P201 milyong pekeng footwear kasunod ng pagkakaaresto sa limang dayuhan sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Bulacan.

Sinabi ni CIDG director Police Brig. Gen. Romeo Caramat, Jr. na ang mga nakumpiska ay pekeng Crocs at Havaianas at bahagi ng follow-up operations noong May 24 nang masabat ng CIDG Field Unit sa Central Luzon ang halos P13.5 milyong halaga ng pekeng Crocs sa Marilao, Bulacan.

Ayon pa kay Caramat, noong June 5, nadamba ang 33-anyos na si Lian Chang Jiang, 60-anyos na si Wu Gu Ding at 64 taong gulang na si Chu Jen Huang sa King Sport Property Compound, Barangay Lambakin, Marilao, Bulacan dahil sa umano’y pagbebenta ng pekeng Crocs.

Nasamsam ang 1,311 sako na naglalaman ng 62,000 pares ng Crocs na aabot sa tinatayang halaga na P180 milyon.

KInabukasan, naaresto ng CIDG operatives sina Shuzhen Wang at Zhengfeng Lin matapos makuhanan ng pekeng Crocs na nagkakahalag ng mahigit P1 milyon sa isang raid sa Warehouse No. 3, Duhat Road, Barangay Duhat, Bucaue, Bulacan.

Sa kasagsagan ng operasyon, sinabi ni Caramat na nadiskubre ng mga tauhan ang warehouse na puno ng pekeng Havaianas, Nike, at Adidas footwear at sandals na tinatayang nagkakahalaga ng higit-kumulang P20 milyon.

“They represent themselves as authorized distributors of those products, inducing the public to believe that the goods offered are original, at a price that is way below the distributor price of the company. Further investigation is being conducted by the detectives of CIDG Region 3 to identify and locate the supplier of the seized counterfeit products,” ani Caramat.

Dinala na umano ang mga anarestong suspek at nakumpiskang ebidensya sa CIDG office, kung saan nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Sec. 155, 168 at 169, R.A. 8293 na kilala bilang Intellectual Property Code of the Philippines. RNT/SA

Previous articlePAGKAKASUNDO NG KUWAIT-PINAS ‘DI IMPOSIBLE
Next articleTVJ, tuloy na sa TV5; 2 studio, pag-iisahin sa orig na EB!