Home NATIONWIDE P20M ayuda inilaan para sa mga biktima ng lindol

P20M ayuda inilaan para sa mga biktima ng lindol

MANILA, Philippines- Agad na umaksyon ang tanggapan nina House Speaker Martin Romualdez at ang Tingog party-list upang matulungan ang mga biktima ng magnitude 6.8 lindol sa Mindanao.

Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias Gabonada, inatasan ni Speaker Romualdez ang kanyang team, katuwang ang Tingog, na agad na magpadala ng suporta sa mga apektadong residente.

Ani Gabonada, tumulong si Speaker Romualdez sa pagpapalabas ng P10 milyong halaga ng medical assistance para sa mahihirap na pasyente mula sa Department of Health (DOH) at P10 milyong ayuda sa ilalim ng assistance to individuals in crisis (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipaaabot sa distrito nina Sarangani Rep. Steve Chiongbian Solon at South Cotabato Lone District Rep. Loreto B. Acharon.

Sinabi rin ni Gabonada na magpapadala rin ng mga construction materials sa mga apektadong residente upang matulungan ang mga ito na makumpuni ang kanilang mga bahay.

Ang mga Tingog team naman sa Davao City at General Santos ay naghahanda ng 5,000 relief goods.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Office of the Speaker sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga mambabatas na ang distrito ay naapektuhan ng lindol para sa pagpapalabas ng quick response funds upang agad na maisaayos ang mga pampublikong imprastraktura gaya ng tulay at paaralan. Gail Mendoza

Previous articleXmas wish ni Kris: makatulog nang more than 2 hrs!
Next article2 major training exercises ng AFP tapos na