MANILA, Philippiens – INIULAT ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na namahagi ito ng P221.06 milyong piso sa 98,092 benepisaryo sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program nito sa idsinagawang pag-arangkada ng Bagong Pilipinas service caravan sa apat na lalawigan nito lamang weekend.
Ang 98,092 benepisaryo ng AICS ay bahagi ng 322,689 benepisaryong nakarehistro sa portal ng “Bagong Pilipinas Serbisyo Fair” (BPSF) sa isinagawang sabay-sabay na pag-arangkada sa Ilocos Norte, Camarines Sur, Leyte at Davao de Oro nito lamang Setyembre 23 hanggang 24, 2023.
Sa naging pag-uulat ni Assistant Secretary Ada Colico ng Statutory Programs sa ilalim ng Operations Group kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, sinabi nito na nakapagtala ang Leyte ng pinakamataas na bilang ng AICS clients na may 48,018, sinundan ng Ilocos Norte na may 26,353; Camarines Sur na may 12,264; at Davao de Oro na may 11,457.
Sa kabuuang halaga na naipamahagi, ang mga benepisaryo mula sa Leyte ay nakakuha ng P97.91 million; Ilocos Norte, P77.84 million; Camarines Sur, P24.53 million; at Davao de Oro, P20.78 million.
“The Bagong Pilipinas caravan is the country’s biggest service caravan aimed at providing major government services to less fortunate Filipinos in various communities across the country,” ang sinabi ni Gatchalian sa isang kalatas.
Tinuran nito na ang tagumpay ng paglulunsad ng BPSF noong nakaraang Sabado ang nag-udyok sa mga nag-organisa na palawigin ang ilang programa mula sa orihinal na two-day event, nakapanghikayat ng mas higit pa sa 300,000 benepisaryo sa buong bansa.
Inilunsad ang caravan kung saan itinampok ang “Kadiwa ng Pangulo,” naglalayong paghusayin ang access sa abot-kayang halaga ng pagkain at iba pang bilihin, “Passport on Wheels,” driver’s license registration at assistance, national identification, Pag-IBIG Fund, at National Bureau of Investigation at police clearance applications.
Tiniyak naman ni Gatchalian na dadalhin ng administrasyong Marcos ang Bagong Pilipinas service caravan sa lahat ng 82 lalawigan sa bansa matapos ang matagumpay na paglulunsad nito. Kris Jose