Home NATIONWIDE P2B inaasahang matitipid mula sa gov’t energy conservation program

P2B inaasahang matitipid mula sa gov’t energy conservation program

MANILA, Philippines- Maaaring makatipid ang gobyerno ng Pilipinas ng P2 bilyong halaga ng kuryente at konsumo ng langis mula sa ikinasang implementasyon ng Government Energy Management Program (GEMP).

Pinuri ng Department of Energy (DOE) si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapalabas nito ng Administrative Order (AO) No. 15, na nagbibigay atas na madaliin ang implementasyon ng GEMP.

Sa Administrative Order no. 15 na nilagdaan ni Exe­cutive Secretary Lucas Bersamin, inaatasan nito ang lahat ng government agencies kabilang na ang government owned and controlled corporations (GOCC) na bilisan ang pagpapatupad ng Government Energy Ma­nagement Program (GEMP) na nagsusulong ng praktikal na pagkonsumo ng enerhiya.

“All agencies and instrumentalities of the national government, including government-owned or -controlled corporations are hereby directed, and all LGUs are hereby encouraged to undertake efforts to ensure efficient and judicious utilization of energy,” ang nakasaad sa AO.

Kabilang din dito ang pagsasagawa ng energy audits at random energy spot checks mula sa certified energy auditors.

Sa paglagda pa rin ng Pangulo sa AO No. 15, sinasabing may pangangailangan na paigtingin ang mahusay na paggamit at pagsisikap na magtipid sa paggamit sa kuryente at langis para mapagaan ang power demand sa gitna ng nagpapatuloy ba El Niño phenomenon.

Ang GEMP ay isang government-wide program na naglalayon na bawasan ang monthly consumption ng gobyerno sa elektrisidad at petroleum products sa pamamagitan ng maayos at mahusay na paggamit at pagtitipid sa enerhiya at langis.

Sa kabilang dako, sinabi ng DOE na noong nakaraang taon, ang institusyonalisasyon ng GEMP ay nagresulta ng electricity savings para sa buong gobyerno na nagkakahalaga ng mahigit P300 million o may katumbas na mahigit na 30 million kilowatt-hour (kWh) at mahigit na P25 million sa fuel savings o may katumbas na 386,083.59 litro ng langis.

“These savings are the result of 1,210 audited government offices out of the estimated 8,000 total entities identified,” ayon sa DoE.

“The accelerated implementation of GEMP under AO 15 is estimated to result in up to nearly P2 billion in savings for both electricity and fuel, based on the average savings from 2023,” dagdag na pahayag ng departamento.

Samantala, sinabi naman ni Energy Secretary Raphael Lotilla, “The President wants the entire government to embrace energy conservation measures. AO 15 will intensify our efficient utilization and conservation efforts in the use of electricity and fuel to help mitigate energy demand, especially with the onset of El Niño.”

“It advocates a shift to a sustainable energy lifestyle with the government setting a strong example,” ayon pa rin sa Kalihim.

Pinatitiyak din ni Pangulong Marcos ang pagsunod sa mga panuntunan ng Department of Energy at pag-adopt sa low cost energy efficient measures tulad ng pagpapanatili sa 24 degrees Celsius na temperatura ng airconditioned units, pagpatay sa mga hindi ginagamit na ilaw, at pag activate ng sleep settings sa mga kagamitan sa mga opisina.

Kasama sa kautusan ni Pangulong Marcos sa mga ahensya at tanggapan ng gobyerno na magtalaga ng taong magbabantay ng kunsumo nila sa enerhiya at magriereport sa DOE online.

Inatasan naman ang DOE na ipalabas ang implementing guidelines ng AO No. 15 sa loob ng 30 araw mula sa pagiging epektibo ng kautusan. Kris Jose

Previous articleKabayanihan ng SAF 44 inalala ni VP Sara
Next articleSamboy Lim, Romy Vitug pinarangalan sa Senado