Home METRO P3.4M droga nasabat sa mag-utol; drug group hina-hunting na

P3.4M droga nasabat sa mag-utol; drug group hina-hunting na

Maguindanao del Norte – Hinahunting na ng mga pulis ang mga miyembro ng sindikato ng droga na nag-ooperate sa Maguindanao del Norte at Cotabato City kasunod ng pagkakaaresto sa magkapatid na lalaki dahil sa illegal drug trafficking nitong weekend.

Sinabi ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, police regional director para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na ang magkapatid ay pinaniniwalaang bahagi ng mas malaking illegal drug ring sa rehiyon.

Sinabi ni Lt. Col. Sahibon Mamantal, hepe ng DOS municipal police station, ang buy-bust ay isinagawa ng Police Drug Enforcement Group, Special Operations Unit-Bangsamoro Autonomous Region (PDEG-SOU-BAR) sa pampublikong pamilihan ng bayan.

Kinilala ni Mamantal ang mga suspek na sina Monzur Talusan, 35, at kapatid nitong si Wuji, 19, kapwa ng Barangay Tambak, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Aniya, nagkasundo ang mga suspek na magbenta ng kalahating kilo ng “shabu” na nagkakahalaga ng P3.4 milyon sa isang police undercover agent sa harap ng public market ng bayan dakong alas-5 ng hapon.

“Agad silang inaresto pagkatapos nilang ibigay ang mga ilegal na bagay sa isang ahente ng pulisya,” sabi ni Mamantal sa isang panayam.

Tinutukoy ng mga pulis ang pinagmumulan ng iligal na droga na pinaglalako ng magkapatid, aniya. RNT