MANILA, Philippines – Inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang Chinese national at anak nitong Filipino dahil sa hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay San Pablo, Malolos, Bulacan.
Ayon kay PDEA 3 (Central Luzon) Director Ronald Allan DG Ricardo nitong Miyerkules, Oktubre 4, kinilala ang suspek na si Anthony Chua, Chinese national, at anak nitong si Jay Vie Cai, kapwa residente ng Pleasant Village, Barangay San Pablo.
Nakuha sa mga ito ang plastic bag na naglalaman ng 500 gramo ng hinihinalang shabu at marked money na ginamit ng undercover agents. Nagkakahalaga ito ng P3.4 milyon.
Ang operasyon ay bunga ng isang buwang surveillance ng mga operatiba ng PDEA-Tarlac, PDEA-Bulacan, at Malolos police.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) in relation to Section 26B (conspiracy to sell) ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC