MANILA, Philippines- Tinatayang nasa P3.8 milyon halaga ng high-grade Kush Marijuana ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark na nakatago sa loob ng mga piraso ng chess furniture nitong Martes, Hulyo 11, 2023.
Nabatid sa BOC na ang nasabing kargamento ay nagmula sa Bangkok, Thailand at idineklara bilang “furniture.”
Nakitaan ng kahina-hinalang imahe sa isinagawang X-ray Inspection Project (XIP) ang nasabing mga kargamento kaya’t isinailalim ito sa K9 sniffing Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) K9 Unit kung saan nakasinghot ang mga aso ng mga mapanganib na droga.
Binuksan ng customs examiner ang kargamento at natuklasan ang 56 na pakete ng mga tuyong dahon na nakatago sa loob ng malalaking itim na piraso ng chess tulad ng King, Queen, Bishop, Rook, Knight, at Pawn.
Kinumpirma ng PDEA na ang mga sample ay Marijuana, isang mapanganib na droga sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dahil dito inisyuhan ng Warrant of Seizure and Detention ang nasabing shipment dahil sa paglabag sa Seksyon 118 (g), 119 (d), at 1113 par. (f), (I), at (l)-(3) at (4) ng Customs Modernization and Tariff Act kaugnay ng R.A. No. 9165. JAY Reyes