P3.8M makinaryang tulong ng DAR sa mga magsasaka ng CamSur, umarangkada na

P3.8M makinaryang tulong ng DAR sa mga magsasaka ng CamSur, umarangkada na

June 26, 2020 @ 5:00 PM 3 weeks ago

  •  
  •  
  •  
Share

Manila, Philippines – Umarangkada na ang tulong ng Department of Agrarian Reform (DAR) na mga makinaryang pangsaka na nagkakahalaga ng P3.8 milyon sa tatlong agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs) upang mapabuti ang kanilang produksyon at madagdagan ang kanilang kinikita sa panahon ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic.

“Ang mga makinaryang ito ay makatutulong sa mahigit na 300 magsasaka rito. At dahil ang mga ito ay gawa sa makina, mapadadali nito at mas mapapabilis ang pagsasaka. Mas mapabubuti rin nito ang kanilang ani at kita, lalo na ngayong taghirap dahil sa pandemya” sabi ni DAR Secretary John Castriciones.

Ayon sa DAR nagkaloob ang ahensya ng tig-isang 4-wheeler drive, 3.5 horsepower na traktora sa Malinao Farmers Association at sa San Vicente Libmanan Farmers Irrigators Association, samantalang tumanggap naman ang Conception-Umalo Farmers’ Cooperative ng isang 60-horsepower harvester.

Sinabi ni Castriciones na ang kagawaran, sa pamamagitan ng Support Services Office (SSO) ay nagkaloob ng mga makinarya sa ilalim ng proyektong PaSSOver: ARBOld Move to Heal as One Deliverance of our Farmers from COVID-19 Pandemic.

“Layon ng proyektong ito na magbigay ng agarang tulong at mahahalagang serbisyo sa mga kalalakihan at kababaihang agrarian reform beneficiaries (ARBs) upang maibsan ang hirap na dulot ng pandemya sanhi ng COVID-19 at upang matugunan ang mga pangangailangan ng sektor ng agrikultura,” ani Castriciones.

Kasama ni Castriciones sa pagkakaloob ng mga ayuda si SSO Undersecretary Emily Padilla. Sinabi ni Padilla na nagsimula ang ARBOld Move project sa Camarines Sur sa pamamahagi ng Identification Cards sa mga ARBs. Ito ay ipinamigay upang sila ay mabilis na makatanggap ng mga benepisyo mula sa social amelioration programs (SAPs) ng pamahalaan.

“Tinulungan din namin ang mga ARBOs sa pamamahagi at paghahatid ng mga produktong agraryo sa pamamagitan ng pag-iisyu ng quarantine accreditation passes upang mabilis silang makadaan sa mga checkpoints at makapag-hatid ng kanilang mga produkto lalo na sa mga kritikal na lugar na apektado ng ECQ,” sabi ni Padilla.

Idinagdag pa ng DAR na nagbigay din ang kagawaran ng mga relief packs sa 2,039 ARBs. Ito ay naglalaman ng bigas, mga de latang pagkain, instant noodles, vitamins at washable face masks.

Nagkaloob din ang ARBOld Move project ng tulong sa limang kababaihang ARBs na egg-laying machine na nagkakahalaga ng P15,000 bawat isa.

Sinabi ni Padilla na ang limang kababaihan ay binigyang prayoridad matapos na sila ay may matukoy na kabilang sa may espesyal na kalagayan tulad ng pagiging solong magulang, biyuda, matatanda, may kapansanan, at miyembro ng mga katutubo, na mga nagsasaka ngunit nabawasan ang pinagkukunan ng kanilang kita sanhi ng ECQ.

Sa kasalukuyan ang DAR-Camarines Sur ay naghahanda upang mabigyan ng tulong produksyon ang 847 ARBs na ang pangunahing pananim ay mais at gulay.

Ang mga ARBs ay bibigyan din ng mga gamit sa pagsasaka gaya ng binhi, pataba at pestisidyo upang sila ay tuloy-tuloy na makapagtanim at upang masiguro na sila ay may makakain at kikitain para sa kani-kanilang mga pamilya.

Ang proyektong ARBold Move ay binuo bilang sagot sa Bayanihan to Heal as One Act o Republic Act 11469, kung saan iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sangay ng pamahalaan ang malawakang pagbibigay ng tulong at serbisyo, proteksyon at pagsulong sa kapakanan ng mga tao sa panahong ito ng pandemya.  Santi Celario

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Loading...