Home METRO P30M ismagel na mamahaling sasakyan naharang ng BOC

P30M ismagel na mamahaling sasakyan naharang ng BOC

MANILA, Philippines- Tinatayang nasa P30 milyong halaga ng mga ismagel na mamahaling mga sasakyan ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Cagayan de Oro sa isinagawang operasyon sa Mindanao Container Terminal sa Tagoloan, Misamis Oriental, noong Disyembre 15, 2023.

Ayon sa BOC, dumating noong Disyembre 12, 2023 ang nasabing kontrabando na nagmula sa Korea na naka-consign sa M. Aguila Car Trading kung saan idineklara ito na naglalaman ng 1,045 piraso ng truck replacement parts ngunit napag-alamang naglalaman ito ng dalawang unit ng Porsche.

Nabatid sa BOC na makaraang makatanggap sila ng impormasyon ay hiniling ng BOC Intelligence Group sa Port of Cagayan de Oro na mag-isyu ng Pre-Lodgment Control Order (PLCO) laban sa subject shipment.

Agad namang nagpalabas ng alert order si Acting District Collector Alexandra Y. Lumontad para sa buong pagsusuri sa container, na humantong sa pagkakadiskubre sa mga smuggled na mamahaling sasakyan.

Maglalabas ng warrant of seizure at detention laban sa shipment para sa paglabag sa Section 1400 na may kaugnayan sa Section 1113 ng RA 10863, na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act.

“Our ports are steadfast in protecting our borders to ensure that goods are thoroughly inspected, preventing illicit cargo entry,” ayon kay Commissioner Bienvenido Y. Rubio. JAY Reyes

Previous article600K ektaryang taniman ng bigas, mais sinalanta ni ‘Kabayan’
Next articleASEAN-Japan ties ibinida ni Marcos