Home METRO P350K alahas, ibang gamit ibinalik ng suspek

P350K alahas, ibang gamit ibinalik ng suspek

CITY OF ILAGAN, Isabela – Halos umabot sa mahigit P350,000 halaga ng mga gamit at alahas ang ninakaw sa naganap na robbery incident sa isang bahay sa Brgy. San Andres, Ilagan.

Una rito, humingi ng tulong sa himpilan ng pulisya ang biktimang si Jay-ar Benitez matapos na looban ng isang lalaki ang kanilang bahay.

Ayon sa biktima, dumating sila sa kanilang bahay kasama ang kanyang asawa at anak kung saan napansin nila ang isang motorsiklong nakaparada sa harap ng bahay.

Dito na sila naghinala na pinasok sila ng magnanakaw kaya dahan dahang pumasok ang biktima sa loob ng kanilang bahay at nadatnan ang kanilang silid na nakakalat na ang kanilang mga gamit.

Agad nagtungo sa likurang bahagi ng bahay ang biktima at nakita ang suspek na nataranta at pumasok muli sa loob ng bahay.

Dito na nagsisigaw ang asawa ng biktima dahilan upang kumaripas ng takbo ang suspek palayo sa lugar at naiwan ang kanyang motorsiklo na naharangan ng sasakyan ng mga biktima.

Umaabot sa P350,000 ang halaga ng mga gamit na kinabibilangan ng laptop, mga alahas, mga cellphone at IPAD, apat na relo at sling bag ang ninakaw ng suspek.

Dahil dito, agad naglabas ng direktiba si PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO para magsagawa ng manhunt operasyon ang upang matunton ang pagkakakilanlan ng may-ari ng naiwang motorsiklo at napag-alaman na ito ay pag-aari ng isang Nestor Abella.

Natunton ang kapatid ng suspek na si Flordeliza Omang na agad kinontak ang kapatid para sumuko na sa mga alagad ng batas.

Matapos ang palitan ng mensahe ay sinabi ng suspek na ibabalik ang mga ninakaw na gamit at alahas na kanyang iniwan sa isang store sa Junction Upi Gamu Isabela.

Agad rumesponde ang mga pulis kung saan ang mga gamit pangunahin ang laptop at charger nito, tablet, dalawang cellphone, dalawang relo at isang sling bag habang ang ilang set ng alahas tulad ng kwintas at bracelet ay hindi na naibalik pa ng suspek.

Wala na ang suspek nang dumating ang mga pulis kaya patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung saan ito nagtago at kasalukuyan na rin ang paghahanda para sa pagsasampa ng kasong robbery laban sa kanya.

Nanawagan naman si PMSgt. Calimbo sa suspek na sumuko na ito at pagbayaran ang nagawang kasalanan. Rey Velasco