TINGLAYAN, KALINGA-Halos umabot sa P35 milyon ang halaga ng sinira at sinunog na tanim na marijuana ng mga otoridad sa tatlong barangay ng Tinglayan, Kalinga.
Mahigit 186,000 fully grown marijuana plants ang sinira sa higit isang ektaryang lupain matapos ang ginawang marijuana eradication.
Ayon kay PNP Information Officer PCapt. Ruff Manganip ng Kalinga, tatlong araw ang ginawang operasyon sa mga bulubunduking bahagi ng Barangay Butbut proper, Luccong at Balay, Tulgao sa bayan ng Tinglayan.
Wala namang nahuling cultivators nang isagawa ang marijuana eradication sa naturang lugar.
Sa isinagawang aerial survey, tinatayang nasa 100 ektaryang lupain na sa malalayong lugar ng nasabing bayan ang natamnan ng marijuana o ipinagbabawal na gamot.
Hanggang sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang monitoring ng mga otoridad para tuluyang masawata ang pagkalat ng mga pananim na marijuana.
Samantala, ang bayan ng Tinglayan ang numero unong producer ng marijuana sa Northern Luzon. Rey Velasco