Home METRO P38M marijuana plantation nadiskubre sa Kalinga

P38M marijuana plantation nadiskubre sa Kalinga

TINGLAYAN, Kalinga- Halos umaabot sa P38 milyong halaga ng marijuana plantation ang nadiskubre ng mga awtoridad sa tatlong araw na marijuana eradication sa Barangay Butbut Proper, Tinglayan, Kalinga.

Matagumpay ang operasyon sa pagsisikap ng pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Kalinga, Philippine Drug Enforcement Unit- Kalinga, KPPO Drug Enforcement Unit/Provincial Intelligence Unit, Regional Intelligence Division-Cordillera, Tinglayan Municipal Police Station, Special Action Force, 1st & 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Company, Regional Mobile Force Battalion 15, Philippine Army at Kalinga District Jail.

Nagresulta ang operasyon sa pagkakadiskubre ng dalawang plantasyon ng marijuana na may kabuuang lawak na 15,000 square meters at may tanim na na nasa 190,000 marijuana plants na nagkakahalaga ng P38,000,000 standard drug price.

Bagama’t walang nahuling cultivator, binunot at sinunog ng mga operatiba ang mga nasabing marijuana sa mismong lugar at kumuha ng sapat na sample upang isumite sa Regional Forensic Unit para sa qualitative test.

Pinuri naman ni PCol Freddie M Lazona, Provincial Director, Kalinga PPO ang mga nabanggit na operatiba sa kanilang matagumpay na tatlong araw na operasyon.

Katuwang ng kapulisan ng Kalinga ang iba pang ahensya ng pamahalaan at patuloy na paiigtingin ang kanilang kampanya kontra ilegal na droga upang masugpo at mahuli ang mga nagtatanim ng marijuana para sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa buong probinsya. Rey Velasco

Previous articleSan Juan River ininspeksyon ng gov’t agencies, LGU
Next articleRep. Lagman binalaan vs pahayag sa Cha-cha