MANILA, Philippines – Nakumpiska ang halos P.4 milyon halaga ng shabu sa dalawang drug pushers na dumayo pa umano para magbenta ng illegal na droga matapos maaresto sa ikinasang buy bust operation sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig naarestong mga suspek na sina Jordan Acain, 35, at Rodel Mendoza alyas “Chokoy”, 48, (pusher/listed) at kapwa residente ng Caloocan City.
Sa ulat ni Col. Umipig kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones Jr, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Navotas police ng impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng mga suspek ng shabu kaya isinailalim nila ang mga ito sa validation.
Nang positibo ang ulat, kaagad ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangungunguna ni P/Cpt. Luis Rufo Jr ang buy bust operation kung saan isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipag-transaksyon sa mga suspek ng P500 halaga ng shabu.
Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa pulis poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad lumapit ang back-up na mga operatiba saka inaresto nila ang dalawa sa Tanigue Extension, Brgy. NBBS Dagat-Dagatan, dakong alas-2:30 ng madaling araw.
Nasamsam sa mga suspek ang pitong transparent plastic sachet na naglalaman ng humigi’t kumulang P394,400.00 halaga ng hinihinalang shabu, buy bust money at coin purse.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangeroud Drug Act of 2002. (Boysan Buenaventura)