ANGADANAN, ISABELA-Halos hindi na mapakinabangan ang drilling machine na nagkakahalaga ng P3 milyon na ginagamit sa proyekto ng National Irrigation Administration o NIA-Isabela ang sinunog sa Barangay Duroc, Angadanan, Isabela.
Halos nanlulumo at naghihinayang ang pamunuan ng NIA Region 02, na si Engr. Raymundo Apil, Regional Director matapos mabalitaan na sinunog ang ginagamit nilang drilling machine na pag-aari ng ‘D Brothers’ company para sa proyektong patubig sa daan-daang magsasaka sa naturang lugar.
Una rito, sinunog ang naturang heavy equipment sa sakahan ni Leo Clarence Lappay, 25 anyos kung saan ginagawa ang proyekto ng NIA na solar irrigation water system.
Pinaalis umano ng tatlong armadong suspek ang mga tauhan ng ‘D Brothers’ company na siyang may-ari ng drilling machine na sinunog at pinagkukuha pa ang kanilang mga cellphone at pera na umaabot P12,000 bago sinunog ang naturang drilling machine.
Agad na nagsumbong si Edizon Natividad, 44 anyos, may-asawa, driver ng nasabing company at residente ng Purok 1A, Barangay Upi, Gamu, Isabela kay Barangay Captain Aronolfo Tambaoan para ipaalam ang naturang insidente sa pagsunog ng tatlong armadong kalalakihan sa kanilang drilling machine.
Ayon sa mga tauhan ng nasabing kompanya ay namukhaan daw nila ang tatlong armado na posibleng mga galamay o tauhan ng isang politiko ang may kagagawan sa naturang pagsunog sa drilling machine.
Ang nasabing proyekto ng NIA ay para sa mga magsasaka bilang paghahanda sa nagbabadyang El Niño. Rey Velasco