MANILA, Philippines – Hiniling ng Makabayan Bloc sa Kamara ang paglulunsad ng imbestigasyon kaugnay sa kontrobersiyal na P3 million logo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sa ilalim ng House Resolution 1120 hiniling nina ACT Teachers Partylist Rep France Castro, Gabriel Partylist Rep Arlene Brosas at Kabataan party-list Rep Raoul Manuel na ang pagsasagawa ng imbestigasyon ay para sa transparency at accountability sa Pagcor.
“We cannot turn a blind eye to possible anomalies in government procurement processes. It is our duty to ensure that public funds are used judiciously and responsibly,” nakasaad sa resolusyon.
Sa Notice of Award ng Pagcor lumalabas na ang logo ay ginastusan ng P3.036 million mula sa PrintPlus Graphic Services.
Batay sa pagberipika sa Department of Trade and Industry lumilitaw na ang PrintPlus Graphic Services ay nairehistro lamang noong March 2021, isa itong barangay-level business scope at sole proprietorship.
“Kung inilaan na lang sana sa pagtatayo o pagpapahusay sa mga National Child Development Centers na nasa P3 milyon lang ang budget sa ngayon ay mas maraming bata pa sana ang nakinabang,” giit ni Castro.
Iginiit ni Castro na dapat silipin ng Kamara ang ganitong ga transaksyon upang hindi na maulit na mangyari sa hinaharap.
Hiniling ng Mabakabayan Bloc sa House Committee on Good Government and Public Accountability na syang manguna sa gagawing imbestigasyon. Gail Mendoza