Home NATIONWIDE P4B secret funds ni PBBM ‘di tinanggal sa Senate budget version –...

P4B secret funds ni PBBM ‘di tinanggal sa Senate budget version – Pimentel

MANILA, Philippines- Hindi tinanggal o binawasan ng Senado ang badyet ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., sa confidential and intelligence (CIFs) na umabot sa P4 bilyon sa pinagtibay na bersyon ng Senado sa 2024 national budget, ayon kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III nitong Miyerkules.

Nitong Martes, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang P5.68 trilyong pambansang badyet sa susunod na taon.

“Of course, no one dared to touch the CIF of the President,” ayon ay Pimentel sa Viber message hinggil sa kanyang panukala na bawasan ang intelligence funds ng Office of the President.

Sa ginanap na plenary deliberations sa 2024 General Appropriations Bill (GAB), sinabi ni Pimentel na wala itong problema sa alokasyon ng confidential funds sa OP bilang civilian agency.

Pero hindi umano siya pabor sa paglalaan ng intelligence funds sa OP dahil hindi naman ito binubuo ng uniformed and military personnel, at lahat ng tanggapan na may tungkulin na kumalap ng intelligence ang nakapailalim sa direct supervision nito.

Mula sa P10.707 billion budget sa panukala ng OP sa 2024, P2.250 billion ang inilaan bilang confidential expenses habang P2.310 billion ang nakalaan sa intelligence expenses.

Kamakailan, ilang ahensiya ang nag-waive o nagpabawas ng CIFs kabilang ang Office of the Vice President, Department of Education, at Office of the Ombudsman.

Naunang inihayag ng Department of Budget and Management na umabot ang kabuuang halaga ng confidential and intelligence funds sa lahat ng ahensya sa panukalang 2024 budget sa P10.14 billion, kabilang ag P4.5 billion sa Office of the President (P2.25 billion confidential and P2.31 billion intelligence fund) at P500 million sa Office of the Vice President.

Nakasalang ngayon ang 2024 GAB sa bicameral conference level na may layunin na pagsamahin o pag-isahin ang ilang hindi napagkakasunduang probisyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso. Ernie Reyes

Previous articleEx-La Union rep. abswelto sa corruption charges
Next articleNavoteño fisherfolks tumanggap ng libreng lambat