Home METRO P500K pabuya alok sa ikadarakip ng pumaslang sa OIC barangay chairman

P500K pabuya alok sa ikadarakip ng pumaslang sa OIC barangay chairman

MANILA, Philippines- Naglaan ng pabuya ang LGU ng Calamba City na nagkakahalaga ngĀ  kalahating milyon habang bumuo ng SITG COGAY ang Laguna Police Provincial Office para sa agarang ikadarakip ng mga suspek sa pagpaslang sa OIC chairman ng Barangay Canlubang sa lungsod ng Calamba, Laguna.

Dakong alas-5:30 ng umaga nitong nakaraang Enero 19, 2024, habang nagkakape ang biktimang si Mario C. Cogay, 55, acting barangay chairman sa balkonahe ng bahay nito sa Barangay Canlubang, nagtungo ang biktima sa gate para patayin ang gripo ng tubig na sinamantala ng mga suspek at pinagbabaril si Cogay. Isinugod pa sa Global Hospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival.

Pinalad na manalo ang biktima sa pagka-barangay kagawad ng barangay Canlubang sa Calamba City nitong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan Election 2023.

Nanalo namang barangay chairman si Larry Dimayuga subalit nasuspinde ito, kung saan nagpalabas ang Comelec ng Order of Lifting sa Motu Propio to Disqualify kaya pansamantalang itinalagang OIC si Cogay. Nanumpa siya noong January 10, 2024 at itinalaga ng DILG na acting barangay chairman ng nasabing barangay.

Napag-alaman na ang biktima ay may nakabinbing Motu Propio Petition to Disqualify kaya pansamantalang itong pinalitan ng ikalawang barangay kagawad na si Edgar Ponciano Manaig Mangubat bilang acting chairman ng barangay.

Sa pangunguna ni PCol. Harold P. Depositar, Provincial Director ng Laguna PPO, agarang bumuo ang Laguna PPO ng SITG COGAY at tracker team gayundin ang Calamba City Police Station upang matutukan at patuloy na makakalap ng impormasyon para matukoy ang mga salarin at agad na madakip ang dalawang hindi nakikilalang suspek na mabilis na tumakas matapos ang krimen. Inaalam pa rin kung ano ang motibo ng pagpaslang kay Cogay.

“Mariing kinokondena ng Laguna PNP ang pagpatay kay Mario Jun C. Cogay. Nakikiramay din kami sa buong pamilya ng biktima, asahan po ninyo na ang inyong kapulisan ay nakatuon sa mabilis na paglutas ng kaso at tinitiyak din namin na mananaig ang hustisya,” pahayag ni PCOL Harold Depositar. Ellen Apostol

Previous articleMas kaunting aberya ng automated machines sa 2025 polls inaasahan ng Comelec
Next articleKampo ni Quiboloy sa sex abuse accusers: Magsampa ng kaso