MANILA, Philippines – Karaniwang gumagastos ang isang kompanya sa Pilipinas ng nasa P55 milyon o $1 milyon para resolbahin ang isang single data breach at magbayad ng ransom para maibalik ang system access nito, ayon sa cybersecurity company Fortinet.
Ayon sa Fortinet, ang mga sangkot dito ay “financially motivated” para magpatuloy sa kanilang cyberattacks.
Sa press briefing nitong Huwebes, Setyembre 21, sinabi ni Fortinet Philippines country manager Alan Reyes na, “financial gain is always there as a motivation for the people” para perahan ang corporate networks.
Aniya, ang multi-milyong gastos para ma-recover ang data mula sa ransomware, ay ang kasalukuyang “market price” na handa ang mga kompanya na magbayad.
Sa kabila nito, iginiit ni Reyes na ang pagbabayad ng ransom ay hindi gumagarantiya sa “absolute protection” dahil posibleng ulitin lamang ng mga suspek ang pag-atake at manghingi ulit ng pera.
Sa “H1 2023 Global Threat Landscape” report ng kompanya, ang araw-araw na bilang ng cyber threats na namamataan sa bansa sa ikalawang bahagi ng taon ay umabot sa 17.7 milyon, mas mataas sa 15 milyon sa nakalipas na quarter.
Kung susuriin, karamihan sa cyber threats na ito ay botnets, kung saan makakapagnakaw ng datos ang hacker, at makakapagpasa ng spam at makakakuha ng access sa mga device.
Ipinaliwanag ni Reyes na ang pagtaas sa cyberattacks ay posibleng tinulungan pa ng artificial technology (AI). RNT/JGC