MANIA, Philippines – TINATAYANG nasa higit P55 milyon halaga ng shabu ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nakatago sa loob ng dalawang naka-check-in na bagahe sa NAIA Terminal 3 nitong Lunes, Hunyo 5, 2023.
Ayon sa BOC, ang bagahe ay pagmamay-ari ng isang Liberian na pasahero na dumating sa Pilipinas sa pamamagitan ng Qatar Airways flight number QR 934 mula sa Doha, Qatar, noong Hunyo 4, 2023.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang pasahero ay mula sa Lagos, Nigeria ngunit pansamantalang hawak ng Bureau of Immigration dahil sa kakulangan ng mga papeles. Ang mga bagahe nito ay sumailalim sa X-ray screening kung saan pinigil ito dahil sa posibilidad na naglalaman ng mga ilegal na droga.
Dahil dito, nagsagawa ng 100% physical examination at natuklasan ang 8.138 kilo ng shabu na nakatago sa loob ng dilaw na powdery spices, na may street value na P55,338,400.00, kung saan kinumpirma ito ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sasailalim sa seizure at forfeiture proceedings ang mga nasamsam na bagahe habang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naarestong pasahero dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165, o Comprehensive Drug Act, at RA 10863, na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). JAY Reyes