MANILA, Philippines – Maagang tinanggap ng 8,185 empleyado ng Makati City Hall ang kanilang Christmas bonus matapos iutos ni Mayor Abby Binay ang agarang pag-release ng P569.47 milyong pondo para rito.
Sinabi ng alkalde na makakaasa rin ang mga kawani na tatanggap sila ng karagdagang P11,000 sa Disyembre kapag ni-release ang kanilang P5,000 na productivity incentive at P6,000 na clothing allowance.
Aniya, layon ng maagang pagbahagi ng year-end bonuses na makaiwas ang mga empleyado sa Christmas rush at makapamili na ng mga regalo at pang-Noche Buena.
Inaasahan din niya na makakatulong ang karagdagang halagang matatanggap sa Disyembre upang salubungin nila at ng kanilang mga mahal sa buhay ang Bagong Taon na puno ng saya at pag-asa.
Sinabi rin ni Mayora Abby na ayon sa Human Resource Development Office (HRDO), ang regular at casual employees na may pinakamababang posisyon ay nakatanggap ng P42,800 na yearend bonuses, bukod pa sa PEI at clothing allowance na tatanggapin nila ngayong December.
Ang yearend bonuses na tinanggap ng bawat isa sa 3,536 regular employees at 4,649 casual employees ay binubuo ng halos dalawang buwang basic salary, P5,000 cash gift, at P12,000 incentive allowance.
Tiniyak din ni Mayora Abby na bukod sa cash benefits, tatanggap din ang lahat ng regular at casual employees ng tradisyunal na Pamaskong Handog gift bag. Naglalaman ito ng assorted canned goods, pasta at fruit salad ingredients, at t-shirts.
Sa kasalukuyan, maraming benepisyo ang tinatamasa ng mga empleyado ng Makati City Hall.
Ang mga regular at casual employees ay protektado sa ilalim ng GSIS Group Personal Accident Insurance. Mula 2018, nagbibigay na ang lungsod ng karagdagang proteksyon at financial safety net sa mga empleyado at kanilang pamilya, sa pamamagitan ng P1-million accidental death benefit, bukod pa sa medical reimbursement para sa pagpapagamot at hospitalization.
Sa ilalim naman ng Yellow Card program, may libreng access ang mga kawani sa medical at laboratory services ng Ospital ng Makati at Makati Life Medical Center, pati na sa prescription drugs mula sa hospital pharmacy at Planet Drugstore outlets. Nakakatanggap din sila buwan-buwan ng libreng suplay ng maintenance medicine at vitamins.
Noong Mayo, nakipagkasundo ang lungsod sa KonsultaMD ng Globe Group upang makapagbigay ng libreng 24/7 online consultations sa lahat ng city government workers. Kailangan lamang idownload ang app at magregister upang makapagkonsulta ang mga empleyado sa licensed doctors at healthcare professionals gamit ang video calls, nang hindi na kailangan pang lumabas sa kanilang tahanan o opisina.
Kabilang din sa mga serbisyo ng KonsultaMD ang e-prescriptions, laboratory requests, online medical certificates, at mental health support. Maaaring ipakita ng mga empleyado ang kanilang e-prescriptions sa Planet Drugstore upang makakuha ng libreng gamot. James I. Catapusan