LAPU-LAPU CITY-UMABOT sa ₱6.8 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang high value individual sa inilatag na buy bust operation, iniulat kahapon, Mayo 16 sa lungsod na ito.
Kinilala ang nadakip na suspek na si Ryan Caralde Dagwayan, 41, at residente ng Brgy San Roque, Lapu-Lapu City, Cebu.
Ayon kay Lapu-lapu City Police Office Director Police Colonel Elmer Lim, nakumpiska sa suspek ang 1,010 gramo ng hinihinalang shabu at tinatayang nagkakahalaga ng P6.8 milyon.
Sinabi ng pulisya, na isang buwan isinailalim sa monitoring ang suspek at ng magpositibo ay agad ikinasa ang buy bust operation laban kay Dagwayan na nag-ooperate sa Cebu City, Mandaue at Lapu-Lapu.
Iniimbestigahan na rin ang isang “Boss Kerker” na isa umanong detainee na siyang pinagkukunan ni Dagwayan ng mga illegal na droga.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek. Mary Anne Sapico