MANILA, Philippines – Aabot sa P6.9 milyon ang nakumpiskang shabu sa isinagawang anti-drug operation ng pinagsanib na pwersa ng Provincial Special Operations Unit at Binan City Police Station sa Barangay Sto Nino, Binan, Laguna.
Arestado ang suspek na kinilala sa alyas na “Noordin”, nasa hustong gulang at residente ng nabanggit na lungsod.
Base sa report ni PCol Harold Depositar Provincial Director ng Laguna PNP kay PBGen. Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng PRO4 Calabarzon, nadakip ang suspek dakong alas-11:36 ng gabi sa ikinasang buy-bust operation matapos na magpanggap ang isang pulis na posuer buyer kung saan inaresto ang suspek sa aktong nagbebenta ng hinihinalang shabu, kapalit ang 14 na bundles na boodle money.
Narekober sa suspek ang isang vacuum sealed transparent plastic na naglalaman umano ng shabu na humigit kumulang sa 1,000 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P6,900,000.00 na nakalagay sa isang kulay itim na paper bag.
Nakuha rin ang Mitsubishi Montero na kulay puti na may plakang BHE-88 gayundin ang ginamit na buy- bust na genuine money na halagang P1,000 at 14 na bundles na boodle money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ellen Apostol