Home METRO P660K marijuana na ipadadala sa delivery courier, naudlot!

P660K marijuana na ipadadala sa delivery courier, naudlot!

MANILA, Philippines – NAUDLOT ang ipadadala sana sa delivery courier na hinihinalang mga pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P660,000 matapos na maaresto ang isang lalaki sa Barangay Langgam sa lungsod ng San Pedro, Laguna.

Naaresto ang suspek nang pinagsanib na puwersa ng San Pedro City PNP, RID4A, PIU Laguna at PDEA Laguna at kasalukuyang nakapiit sa nasabing himpilan ng pulisya ang suspek na kinilalang si Alyas Kim, nasa hustong gulang at residente ng Muntinlupa City.

Sa inisyal na report ni PLt Col Pablito R. Naganag, hepe ng San Pedro City PNP, kay PCol Harold Depositar, Provincial Director ng Laguna PNP, dakong alas-5:15 ng hapon nang magsagawa ng anti-illegal drugs operation makaraang makatanggap umano ng tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen hinggil sa kahina-hinalang parcel na ipadadala sana sa delivery courier.

Natukoy agad ito nang buksan ang parcel para inspeksyunin at tumambad ang mga pinatuyong dahon ng marijuana sa 13 transparent plastic sachet na may timbang na 5.50 kilo na nagkakahalaga ng P660,000 pesos, kabilang din sa narekober ang 6 na plastic bubble wrap, 5 plastic bag na kulay itim at isang motorsiklo.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act 2002) kung saan
ang mga narekober na ebidensya ay dinala sa tanggapan ng Regional Forensic Unit para suriin ang mga ito.

“Kayong mga gumagawa ng mga iligal na transaksyon, pinapaalalahanan ko kayo na huwag nyo nang balakin pang magsagawa ng tulad nito. Itong operasyon na ito ang patunay na kahit anong gawin nyo, mahuhuli at mahuhuli pa rin kayo. Dahil sa tulong at suporta ng ating komunidad at sa mabilis na aksyon ng ating kapulisan, tiyak na mananagot kayo sa batas,” ayon kay PCol Depositar. Ellen Apostol

Previous articleOperasyon vs jumper, wiper boys pinaigting ng MPD
Next articleTulak na ‘nag-ober da bakod’ pinagbabaril patay