Home NATIONWIDE P750 daily wage sa buong bansa inihihirit

P750 daily wage sa buong bansa inihihirit

MANILA, Philippines – Hinimok ng mga labor group ang pamahalaan na paspasan na ang pagpasa ng batas na magtataas sa nationwide daily wage sa P750.

Sa press conference na pinangunahan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), iginiit ni labor groups na dapat taasan ang minimum wage dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produkto.

“Naghihirap pa rin ang mga manggagawa. Ang hinighingi naming mangagagwa, sweldong makabubuhay pero ang binibigay sweldong nakamamatay. Cost of living, not cost of dying,” pahayag ni BMP President Attorney Luke Espiritu.

Sa kabila ng pagpapatupad ng P40 daily minimum wage hike sa mga empleyado ng pribadong sektor sa National Capital Region (NCR) noong Hunyo, sinabi ni Espiritu na wala itong malaking epekto dahil patuloy din ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Kulang pa para matugunanan ang mga pangangailangan ng mga mangagagwa. Backbone daw ng ekonomiya ang mga manggagawa, paano magiging backbone ng economy kung maliit ang sahod ng mga mangaggawa?” tanong ni Espiritu.

Maliban dito, hinimok din ng labor groups ang pamahalaan na ibasura na ang Republic Act No. 6727, o ang Wage Rationalization Act, kung saan binibigyang mandato ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBS) na tukuyin at ayusin ang minimum wage rates sa iba’t ibang rehiyon.

“Malinaw na hindi na maaari yung dating kalakaran sa ilalim ng RA 6727. Ang batas na iyan ay palpak at nagresulta lamang sa paghihirap ng mga mangagawa at wage irrationality na kung saan wala namang talangang logic ang pagkakaiba-iba ng mga sweldo sa iba’t ibang mga region, wala ring logic kung bakit ang NCR ang may pinakamataas minimum wage,” ani Espiritu.

Hiniling din ng mga grupo sa pamahalaan ayusin ang sahod para sa buong bansa sa halip na may iba’t ibang pamamaraan ng pagpapasahod sa bawat rehiyon.

“Walang rationality na may ibang lugar sa Pilipinas na umaabot sa 300 pesos lang ang minimum wage… Hindi na maaring ganiyan pa rin ang kalakaran,” dagdag pa niya. RNT/JGC

Previous articleDPWH ‘Lakbay Alalay’ Program, all set na sa Undas!
Next article3 tiklo sa halos P500K shabu sa Batangas