MANILA, Philippines- Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit 300,000 kilo ng expired na isda, karne at prutas na nagkakahalaga ng P87 milyon sa cold storage facilities sa Navotas City.
Hinala ng Department of Agriculture, ibinebenta pa rin ang expired items sa inspeksyon nito sa pasilidad matapos makatanggap ng tip na puslit umano ang mga ito, batay sa ulat.
“Sa amoy pa lang pagbukas ng cold storage, tumambad sa amin ang mga bulok na galunggong. Sa ibang storage sa facilities pa niya, ano naman, mga expired na karne ng baka at saka manok. 2022 pa siya expired,” pahayag ni Dennis Solomon ng DA Inspectorate and Enforcement Office.
Kasunod ng imbestigasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Customs (BOC), DA Inspectorate and Enforcement Office, at Philippine Coast Guard (PCG), ininspeksyon nito ang 13 cold storage facilities sa M. Naval Street sa Navotas City.
“Magkahalong inis at saka yung lungkot, kung hindi nila balak ibenta yan, ‘yan ay itinapon na dapat. Wala na ‘yan dapat sa mga storage na ‘yan, hindi na gagastusan pa ‘yan ng kuryente,” ani Solomon.
“‘Pag madurog mo, natimplahan mo, na-process mo, hindi na mahahalata. Kaya yon ang nakakatakot. Meron silang modus diyan na hinuhugasan. Huhugas para mawala yung amoy niya saka ire-rebox, relabel. Parang ire-repackage nila tapos may bago na siyang expiration date. Siguradong magdudulot sa mga kakain ng sakit. Ang worst doon is baka meron pang mga dangerous pathogens,” dagdag niya.
Binigyan ang mga may-ari ng mga produkto ng 15 araw upang magpresenta ng mga dokumento.
Maaari silang maharap sa reklamong paglabag sa Anti-Agricultural Smuggling Act and the Food and Safety Act.
“Ang responsibilidad ninyo ay hindi lang para kumita kayo. Kailangan ding masiguro ninyo na ang kakain nito, which is ‘yung public, is safe,” sabi ni Solomon.
Samantala, iniimbestigahan din ang may-ari ng cold storage facilities upang malaman kung may nilabag itong batas.
“Maging mapanuri sa mga binibili nating produktong ganyan. ‘Yung mga iba na alam ninyo na expired na, wag na po ninyong bilhin,” paalala ni Solomon sa publiko. RNT/SA